Pilipinas nahaharap sa pagkaubos ng isdang ginagawang sardinas ayon sa isang NGO
Ibinunyag ngayon ng Non Governmental Organization na OCEANA , na nahaharap ang Pilipinas sa pagkaubos ng isdang ginagawang sardinas.
Sinabi ni Atty. Gloria Ramos Vice President ng OCEANA na dahil sa patuloy na paglabag sa batas o Fisheries Code ng bansa nagkakaroon na ng over fishing sa mga municipal waters na kinaroroonan ng mga isdang ginagawang sardinas.
Ayon kay Atty. Ramos patuloy na nilalabag ng mga malalaking commercial fishing vessel ang itinalagang Fisheries Management Area o FMA partikular sa Visayas at Mindanao region.
Inihayag ni Atty. Ramos na hindi naipapatupad ng tama ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang Fisheries Code of the Philippines dahil patuloy na pumapasok sa 15 kilometers municipal waters ang mga malalaking commercial fishing vessels na karamihan sa mga ito ay walang lisensiya at hindi nagkakabit ng Global Positioning Service o GPS kaya hindi namomonitor ng mga otoridad ang kanilang aktibidad.
Sinabi naman ni Ginang Martha Cadano Regional Director ng Fisherfolks sa Region 8 na malaking problema sa kanilang hanay na mga lokal na mangingisda ang patuloy na pagpasok ng mga malalaking commercial fishing vessels dahil nawawalan ng huli at kita ang mga lokal na mangingisda.
Binigyang diin ni Ginang Cadano na talo ang mga lokal na mangingisda dahil sa kawalan ng mga pasilidad sa kanilang lugar tulad ng cold storage samantalang ang mga commercial fishing vessel ay kompleto sa gamit sapagkat ang kanilang mga barko ay mayroong sariling cold storage.
Niliwanag ng OCEANA na batay sa report na inilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA patuloy na bumababa ang volume ng isda sa bansa dahil hindi na nasusunod ang close season kung saan bawal sanang manghuli ng mga isda na ginagawang sardinas para sa reproduction period.
Vic Somintac