Pilipinas naka-detect ng Omicron subvariant BA.4 sa isang Filipino na bumalik galing sa Middle East
Inihayag ng Department of Health (DOH), na naka-detect ito ng Omicron subvariant BA.4 mula sa isang Filipino national na lumipad patungo sa Middle East noong May 4.
Paliwanag nito, nagpositibo ang Filipino sa subvariant noong May 8, pero asymptomatic.
Ang Omicron BA.4 ay ikinukonsiderang isang variant of concern ng European Center for Disease Prevention and Control. Nangangahulugan ito na ang variant ay malamang na kumalat nang mas mabilis o magdulot ng mas malubhang sakit, kumpara sa isang variant of interest.
Ayon sa DOH, ang BA.4 ay malamang na mas mabilis na maipasa “dahil sa kakayahan nitong iwasan ang immune protection na dulot ng naunang impeksyon at/o pagbabakuna, lalo na kung ito ay humina sa paglipas ng panahon.”
Sa isang pahayag ay sinabi ng DOH, na nakikipag-ugnayan na ito sa mga kinauukulang local government units (LGUs) mula nang makumpirma ang kaso para agad na makapagpatupad ng detection at isolation activities.
Ayon sa kagawaran, lahat ng LGUs ay mahigpit na pinapayuhan na aktibong hanapin ang mga hindi pa nababakunahan at yaong mga puwede nang magpa-booster, at gawing madali ang pagpapabakuna.
Hinimok din nito ang publiko na hangga’t maaari ay magpabakuna na laban sa COVID-19 at magpa-booster shot, habang patuloy na sinusunod ang health protocols.