Pilipinas, nakapagbigay na ng higit 30 milyong bakuna; higit 13 milyong Filipino, fully vaccinated na
Higit 30 milyon na ang nabakunahan sa Pilipinas, at higit 13 milyon sa mga ito ay fully vaccinated na.
Batay ito sa Malacañang, banggit ang data mula sa National COVID-19 vaccination dashboard hanggang nitong Aug. 22, 2021.
Ang kabuuang doses ng bakunang naiturok na ay 30,389,160. Sa nabanggit na bilang, 17,258,675 na mga indibidwal ang nabigyan ng 1st dose, habang 13,130,385 na mga indibidwal ang fully vaccinated na.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., . . .”30M jabs and counting. At habang pataas nang pataas po ang mga numero ng nababakunahan, walang tigil din po ang dating ng suplay ng ating mga bakuna.”
Tinukoy ni Roque ang delivery ng 260,800 na Sinopharm doses noong Aug. 21 at naunang 749,200 doses mula sa kaparehong brand na donasyon ng China noong Aug. 20. Sa kabuuan, ang China ay nakapagdonate na ng 1 milyong doses ng Sinopharm.
Noong Aug. 21, isang milyong doses pa ng Sinovac na binili ng national government ang dumating, at 582,500 doses ng AstraZeneca ang dumating naman noong Aug. 20 na binili ng local government units (LGUs) at pribadong sektor.