Pilipinas nanatiling nasa “very low risk” ng Covid-19 sa kabila ng upsurge ng mga kaso sa mga kalapit bansa
Sa kabila ng muling paglobo ng mga kaso ng Covid-19 sa mga kalapit na bansa, nanatili ang Pilipinas sa “very low risk” sa Covid-19 cases.
Tinukoy ng OCTA Research group ang mga bansang nakararanas ng Covid-19 cases surge ay ang Vietnam, Malaysia, Singapore at Brunei.
Nasa “severe” category ang South Korea, Vietnam, Hong Kong, Malaysia, Singapore, at Brunei kung saan ang SoKor ang naitalang may pinakamataas na average daily attack rate (ADAR) sa mga bansa sa East Asia.
Habang ang Thailand at Japan ay ibinibilang sa “very high” risk category na may 34.18 at 39.68 ADAR.
Sa kaniyang twitter post, sinabi ni Dr. Guido David, OCTA fellow na nakapagtala ang Pilipinas ng 0.47 average daily attack rate (ADAR) nitong Marso 18 na may 7-day average cases na 527.
Naitala naman sa -22% ang growth rate ng bansa sa mga bagong kaso ng virus infection.
Iniulat din ng OCTA na nasa “very low risk”category na rin ang Timor Leste, Taiwan, Cambodia, at China kung saan naglalaro sa 0.13 hanggang 0.86 ang kanilang ADAR.
Habang nasa “moderate” risk naman ang Indonesia at Laos at ang Myanmar ay nasa “low” risk category na may 1.08 ADAR.