Pilipinas, nasa ika-33 puwesto pagdating sa COVID-19 recovery
Mula sa dating nasa ika-121 pwesto, umakyat na sa ika-33 puwesto ang pilipinas pagdating sa COVID-19 recovery.
Batay na rin ito sa Nikkei COVID-19 recovery index.
Habang batay sa datos ng Department of Health, nananatili parin daw sa low risk category ang bansa pagdating sa COVID-19 infection.
Kaya naman si Presidential adviser for entrepreneurship Secretary Joey Concepcion, iginiit na dapat ng pag-aralan ng gobyerno ang pagtanggal sa deklarasyon ng public health emergency na una ng idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso ng 2020.
Habang tumatagal, mas lalo aniyang lumalaki ang utang ng Pilipinas.
Malaking porsyento ng mga inutang na ito, ginamit sa COVID-19 response ng gobyerno.
Sa ulat ng Bureau of Treasury, umabot na sa 12.68 trilyong piso ang utang ng Pilipinas.
Kaya giit ni Concepcion, pag-aralan ng alisin ang public health emergency at bawasan ang bigat na dinadala ng gobyerno.
Pero ang infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvaña, nangangamba na kapag inalis ang deklarasyon ng public health emergency, mawalan ng bisa ang emergency use authorization na ibinigay ng food and drug administration sa COVID- 19 vaccines.
Sa ngayon, lahat ng bakuna kontra COVID- 19 na ginagamit sa bansa ay EUA palang ang mayroon.
Kaya naman kailangan muna aniyang magkaroon ng Certificate of Product Registration ang mga ito para magamit kahit wala ng health emergency.
Madelyn Villar-Moratillo