Pilipinas pinagtibay muli ang commitment sa United Nations
Nakiisa ang Pilipinas sa paggunita sa United Nations (UN) Day ngayong taon.
Sa kaniyang mensahe sa okasyon, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na 77 taon na ang lumipas nang sumama ang Pilipinas sa 50 iba pang bansa para itatag ang UN.
Sa mga nagdaang taon aniya ay patuloy na naging aktibong miyembro ang Pilipinas ng UN at masugid na tagapagtaguyod ng mga prinsipyo ng organisasyon.
Binigyang- diin ni Manalo na ang Pilipinas ay palaging naninindigan sa sovereign equality ng mga estado, mapayapang resolusyon sa mga away, pantay na karapatan ng kalalakihan at kababaihan equal, inclusive social development, rule of law, at hustisya para sa lahat.
Muling binanggit ni Manalo ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa United Nations General Assembly na kailangan na magpatuloy ang UN sa trabaho at mithiin nito at determinado ang Pilipinas na maging parte ng solusyon.
Kaugnay nito, pinagtibay ng kalihim ang katapatan ng Pilipinas sa values, ideals at prinsipyo ng UN at sa pagpapalakas ng mga ugnayan nito para sa kapayapaan, seguridad at kaunlaran ng lahat ng tao.
Ayon kay Manalo, ang Pilipinas ay gumaganap na bridge-builder at kampeon ng vulnerable groups gaya ng mga bata at migrants, at interes ng developing countries.
Ang maraming hamon din aniya na kinakaharap ng mundo ngayon ay oportunidad para mas palakasin ang international cooperation para makamit ang 2030 Agenda for Sustainable Development.
Moira Encina