Pilipinas , pipirma na ng kasunduan sa United Kingdom para makabili ng 2 million doses ng Anti-COVID- 19 Vaccine ng Astra Zeneca – Malacañang
Kinumpirma ni National Task Force Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na pipirma na ang Pilipinas ng kasunduan sa United Kingdom upang makabili ng dalawang milyong doses ng anti COVID- 19 Vaccine ng Astra Zeneca.
Sinabi ni Secretary Galvez na sa November 27 araw ng Biyernes isasagawa ang pagpirma ng tripartite agreement sa pagitan ng Pilipinas at United Kingdom.
Ayon kay Secretary Galvez naisara ang kasunduan ng Pilipinas at United Kingdom sa pamamagitan ng tulong ng isang pribadong grupo.
Inihayag ni Galvez ang dalawang milyong doses ng Astra Zeneca vaccine ay bahagi ng isinusulong na mass vaccination ng pamahalaan para sa 60 milyong pinoy para makontrol ang pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Niliwanag ni Galvez na sisikapin pa ng pamahalaang Pilipinas na maisara ang kasunduan sa iba pang kompanya na gumagawa ng anti COVID 19 tulad Pfizer ng Amerika, Gamaleya ng Russia at Sinovac ng China bago matapos ang buwan ng Disyembre ngayong taon.
Vic Somintac