Pilipinas posibleng patawan ng parusa ng WTO kapag inaprubahan ang ₱10 excise tax sa sugar sweetened beverages
Nagbabala si Senador Sonny Angara na lalabag ang Pilipinas sa rules ng World Trade Organization kapag pinagtibay ang panukala na patawan ng sampung pisong excise tax ang sugar sweetened beverages.
Nakapasa na sa Kamara ang naturang panukala na nagpapataw ng sampung pisong excise tax sa kada litro ng beverages na may sangkap na locally produced sugar habang 20 pesos sa produktong may imported sugar.
Bilang miyembro ng WTO, kailangang sumunod ang Pilipinas sa ipinatutupad na International standards na nagbabawal sa pagpapataw ng buwis sa mga imported products para paboran ang domestic products.
Katunayan, noong 2011, pinatawan ng parusa ng WTO ang Pilipinas dahil sa paglabag sa General Agreement on Tariffs and Trade dahil sa pagpataw ng buwis sa mga foreign alcoholic beverages na 40 beses na mas mataas sa mga local products.
Dahil dito, sinabi ni Angara na pag aaralan ng Senate Committee on Ways and Means na ibatay sa sugar content ang pagpapataw ng buwis at hindi sa dami ng mga produkto.
Sa inaprubahang bersyon ng Kamara sakop nito ang lahat ng softdrinks, juice drinks, tea, coffee at lahat ng carbonated beverages na may sangkap na asukal.
Ulat ni: Mean Corvera