Pilipinong abogado na dati nang na-disbar sa US, pinatawan din ng disbarment ng SC
Ipinagutos ng Korte Suprema ang agad na pagtanggal sa roll of attorneys ng pangalan ng isang Pilipinong abogado na una nang na-disbar sa Estados Unidos.
Ayon sa Korte Suprema, pinatawan ng disbarment ng Supreme Court ng California noong 2000 si Atty. Jaime V. Lopez.
Ito ay bunsod ng mishandling ni Lopez ng settlement funds ng kliyente nito na nagkakahalaga ng USD$25,000.
Pinarusahan din ng California State Bar Court si Lopez dahil sa kabiguan na mapanatili ang current State Bar membership records.
Sinabi ng Korte Suprema na may otoridad ito na mag-disbar o mag-suspinde ng abogado para sa mga paglabag nito sa ibang bansa o foreign jurisdiction.
Paliwanag pa ng SC, maaaring patawan sa Pilipinas ng parehong hatol ang isang Pinoy lawyer na pinatawan ng disciplinary penalty ng foreign court.
Sinabi ng SC na binigyan nito si Lopez ng pagkakataon para sagutin ang isyu laban dito.
Pero, hindi ito lumahok sa mga court proceedings at hindi inabisuhan ang SC ng official address nito sa kabila ng paulit-ulit na direktiba.
Hiningi pa ng SC ang tulong ng NBI para mahanap ang iba pang address nito.
Sa isa sa mga address nito sa Pasay ay sinabi ng mga naninirahan doon na namatay na raw si Lopez noong 2005.
Maging ang secretary nito ay nagsabing pumanaw na raw ang abogado noong 2005.
Gayunman, ipinunto ng SC na naghain si Lopez ng komento at mosyon sa hukuman noong 2009.
Ayon sa SC, ang bersyon ng ‘ghosting’ ng abogado ay hindi nakatulong sa kaso nito bagkus ay nagpakita ng contempt sa proseso ng korte.
Nagpasya ang Korte Suprema na tuluyang i-disbar si Lopez dahil sa bigat ng offenses nito sa California at hindi pagtugon sa mga utos ng SC.
Moira Encina