Pilot implementation ng alert level system sa NCR, maaaring ma-extend ng 2 linggo pa
Maaaring lumawig ng dalawang linggo pa ang pilot implementation ng alert levels sa Metro Manila, matapos maobserbahan ng mga opisyal na higit 100 lugar ang isinailalim sa granular lockdown sa NCR.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 (NTF) spokesperson Ret. Maj. Gen. Restituto Padilla, ang ekstensiyon ng pilot implementation ng alert level sa National Capital Region (NCR), ay magbibigay ng pagkakataon sa NTF at mga lokal na opisyal na magsagawa ng dagdag pang assessment sa sitwasyon, kung ang ipatutupad ay alert level system sa halip na community quarantine protocols na dating ipinatupad sa Metro Manila.
Aniya . . . “Ok naman po (ang initial assessment). May mahigit na 100 na naka- granular lockdown sa buong pilot implementation area. So, maayos naman, natutugunan naman ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa mga lugar na yan.”
Sinabi ni Padilla na ang datos mula sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown at impormasyon kung gumagana ba ang alert level system para mas marami pang tao ang makapaghanapbuhay sa labas ng granular lockdown areas, ay makatutulong upang madetermina ang extension nito sa susunod na dalawang linggo.
Ang tagumpay aniya ng pilot implementation ay depende sa datos na magmumula sa Metro Manila na isinailalim sa Alert Level 4 mula noong Sept. 16 na dapat ay hanggang Sept. 30 lamang.
Ayon sa opisyal, titingnan din ng mga eksperto ang data sa granular lockdown areas. Pag-aaralan nila kung ang early detection ng mga kaso, at pagla-lockdown sa mga lugar na may COVID-19 cluster ay nakatulong sa pagbaba ng mga kaso.
Kung sa pakiramdam aniya ng mga eksperto ay kailangan pang analisahin ang marami pang datos at palawigin ang alert system sa Metro Manila, ipatutupad ito sa susunod na dalawang linggo.
Ayon kay Padilla . . . “Hopefully kung ano man po ang datos na lalabas na hinahanap ng ating mga eksperto ay magbigay daan sa success nito. Pero maaaring kung hindi nila makikita ang datos sa susunod na isang linggo pa hanggang katapusan, ay maaari nilang i-extend ang pilot implementation, plus additional two weeks or more sa pagkontrol sa pagkalat ng Covid.”