Pilot implementation ng face-to-face classes, Sisimulan na
Sisimulan na ng Department of Education ang pilot implementation ng face-to-face classes sa November 15.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, na 100 Public schools ang unang lalahok sa pilot run habang 20 naman sa pribadong eskuwelahan.
Kindergarten hanggang Grade 3 ang mga napiling isama sa face-to-face classes.
Apat at kalahating oras na mananatili sa mga classroom ang mga estudyante maliban sa mga kindergarten na hanggang tatlong oras lamang.
Inilabas na rin ng DepEd ang listahan ng mga eskuwelahan na lalahok na pawang nasa mga lugar na may mababang kaso ng Covid-19.
Hanggang 65 years old lang ang school personnel na papayagan sa eskuwelahan, dapat bakunado laban sa Covid-19 at kailangang walang comorbidities.
Bawat klase ay 12 bata lang ang papayagan sa mga kindegarten habang 16 sa mga Grade 1 hanggang Grade 3.
Batay rin sa inilabas na timeline ng DepEd, ang face-to-face ay tatakbo mula November 15 hanggang December 15.
Pagkatapos nito ay magkakaroon ng assessment.
Sakaling maging matagumpay, sinabi ni Malaluan na magsasagawa ulit sila ng dry run para sa posibleng expansion ng face-to-face sa iba pang lugar at saka sila magsusumite ng rekomendasyon kay Pangulong Duterte sa Pebrero.
Kung aaprubahan ng Pangulo, maaaring palawigin ang face-to-face hanggang sa Marso 7 ng susunod na taon.
Sa ngayon aabot na sa 59 na eskuwelahan ang nakapasa na sa risk assessment ng Department of Health para sa pagsasagawa ng face-to-face classes.
Meanne Corvera