Pilot testing ng food stamp program, aprubado na ni PBBM
Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pilot testing ng food stamp program para sa may isang milyong mahirap na pamilya sa bansa.
Ang programa ay bahagi ng pangako ng administrasyon na labanan ang kahirapan, malnutrisyon at kagutom.
Sa isang briefing sa Malacañang, inanunsyo ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, na ang pagpapatibay sa programa ay tutustusan ng tatlong milyong dolyar mula sa grants ng iba’t ibang international organization.
Ayon kay Gatchalian, “The President approved the run of the pilot, which is fully funded through grants – grants from the ADB [Asian Development Bank], JICA [Japan International Cooperation Agency], at ng French Development Agency. So, that will be US$3 million all in all.”
Dagdag pa niya, “There’s a provision to expand it. ADB is still working on another trust so that we can expand the pilot. But othen than that, it’s all green light, go na for the pilot which will take place shortly.”
Sa pamamagitan ng pilot testing, sinabi ni Gatchalian na tutukuyin ng DSWD at iba pang katuwang na ahensya ng gobyerno ang mga kailangang ayusin at pagbutihin, at tukuyin kung anong mga items ang dapat nang tapusin.
Sinabi ng kalihim na nais ng gobyernong maiwasan ang pagsasayang at matiyak na sa sandaling ipatupad ang programa ay mapapalawak ito para sa regular run, at tamang pagsasakatuparan.
Paliwanag ni Gatchalian, “So paiigtingin natin iyang programa na iyan para ma-synchorinze naman natin siya dito sa upcoming natin na food stamps program.”
Aniya, “Uulitin namin, ang marching order ng Pangulo, dapat malabanan natin ang stunting at ang gutom, pagsasanib-pwersa ng mga iba’t ibang programa ng gobyerno para hindi sila piece by piece ang turing sa mga programa.”
Ang food stamp program na tatawaging “Walang Gutom 2027” ay naglalayong magkaloob ng nasa P3,000 food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfers, para ipambili ng piling food commodities mula sa DSWD accredited local retailers.
Target ng programa ang isang milyong pinakamahihirap na tahanan mula sa Listahan 3 na kabilang sa food poor criteria na tinukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Tinukoy ng DSWD ang limang pilot sites mula sa magkaka-ibang geopolitical characteristics na kinabibilangan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na dating conflict area, isang geographically isolated regions o provinces, isang urban poor settings, isa ang calamity-stricken areas, at isa ang nasa kategoryang rural poor area.
Weng dela Fuente