Piloto ng isang helicopter na bumagsak sa bubong ng isang hotel sa Australia, patay
Patay ang piloto ng isang helicopter na bumagsak sa bubungan ng Double Tree Hotel ng Hilton sa bayan ng Cairns sa Australia.
Ayon sa pahayag ng Queenaland police, inilikas ang daan-daang guests at staff ng gusali makaraang umapoy ang isang bahagi ng istraktura matapos tumama sa bubong ng hotel ang isang twin-engine helicopter.
Sinabi ng pulisya na ang helicopter ay kinuha sa hangar nito sa Cairns airport para sa isang “unauthorized flight,” ngunit hindi na sila nagbigay ng detalye.
Ayon pa sa mga pulis, ang naturang “unauthorized flight” ay isang isolated incident at walang banta sa kaligtasan ng publiko. Hindi rin anila batid ang layunin ng piloto, maging ang paraan kung paano kinuha ang helicopter sa hangar nito.
Ang Cairns, ay isang gateway city sa ruta patungo sa Great Barrier Reef, ayon sa staff sa reception desk ng hotel. Aniya, sarado pa rin ito at ang mga guest ay inilipat muna sa ibang lugar.
Sa report ng state broadcaster na ABC, dalawa sa rotor blades ng helicopter ang nakalas, at isa rito ay bumagsak sa pool ng hotel, habang dalawang guest ng hotel, isang lalaking nasa kaniya nang 80s at isang babae na nasa kanya nang 70s, ang na-discharge na makaraang dalhin sa ospital.
Ayon sa pulisya, makikipagtulungan ang forensic crash unit sa transport safety regulator ng Australia upang alamin ang mga detalye ng insidente.
Tiniyak naman ng may-ari ng Helicopter na Nautilus Aviation, na makikipagtulungan sila sa mga pulis na mag-iimbestiga sa hindi awtorisadong paggamit sa bumagsak na helicopter.