Pinahigpit na GCQ
Nagpulong ang Metro Manila Council at ang Inter Agency Task Force noong Sabado at napagtibay na ang Metro Manila at apat na probinsya ay isailalim pa rin sa GCQ mula March 22- Apr. 4. Hindi bagong bagay sa MM dahil matagal na tayong GCQ, ‘yung apat na lalawigan na nasa MGCQ na ibinalik sa GCQ, ang Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal. Kasabay ng pagpapalabas ng mas mahigpit na panuntunan ay para mapigilan ang patuloy na pagtaas g Covid-19 cases sa bansa.
Ginawa ng Malakanyang ang anunsyo matapos na aprubahan ni Pangulong Duterte ang rekumendasyon ng IATF. Ayon sa paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, batay sa resolution 104, itinatakda ang karagdagang paghihigpit sa mga nasabing lugar. At narito ang ilang mga pagbabago, tanging essential travel lamang ang papayagan subalit meron pa ring public transport at ipatutupad ang kaukulang kapasidad at mahigpit na health protocol. Lahat ng mass gathering kabilang ang religious gathering ay ipagbabawal, dinidiscourage din ang pagsasagawa ng face to face meetings.
So, anomang social gatherings sa ilalim ng pinahigpit na GCQ ay bawal. Lilimitahan lang din sa sampu katao ang kasal, libing at binyag. Pinapayuhan din ang mga nasa pribadong sektor na magpatupad Ng 30-50 percent operational on-site capacity. Kaya ‘yung mga nasa pabrika na hindi pwedeng mag work from home, kailangang gumawa ng paraan na Hindi 100 percent ang pagpapapasok. Ang dine-in restaurants, cafeterias ay limitado sa delivery/take-out at papayagan ang outdoor dine-in, yung enclosed lalo na’t airconditioned ang restaurant ay ipinagbabawal. Hindi rin hinihikayat ang pagkakaron o pagtanggap ng mga visits sa bahay. At pagsusoot ng face mask ay ipinapayo lalo na nga’t may kasama na vulnerable o comorbidity, maysakit.
Alam po ninyo totoong nakalulungkot na halos araw-araw, at ito ngang nakalipas na mga araw ay nakapagtala ng matataas na kaso ng higit sa pitong libo. Sa Southeast Asia, ang may pinakamatinding kaso ng Covid -19 ay ang Indonesia na mas malaki ang populasyon. Susunod na o pumapangalawa ang Pilipinas. Sa karatig na mga bansa natin ang kaso nila ay nasa sampung libo lang, sa atin nakapagtataka ang sobrang taas. Ano ba talaga ang strategy natin?
Ang hirap kasi kung minsan kapag may sinabi ka o pinuna mo, ‘yung iba pikon! Asan ang sinasabing ‘excellent’ ang pagtugon? Di ba yan ang sabi ni Secretary Roque? E ganun pala, bakit parami ng parami ang kaso ng Covid-19?
Ramdam na ramdan ngayon ang bilang ng mga nagkakasakit, lalo pa nga’t sa hanay ng mga medical frontliner, kung kelan ang iba ay nabakunahan na saka pa dumami ang nagpositibo. Hindi na daw po tayo babalik sa total lockdown. Hindi na kakayanin pa, hindi rin magsasara ang ekonomiya, tayo ay nasa ilalim ng pinahigpit na GCQ! Sumunod po tayo sa health protocols at pairalin ang self- discipline!