Pinaikling quarantine protocol sa fully vaccinated na close contact ng COVID-19 positive sinuspinde ng IATF
Balik sa labing apat na araw ang kailangang bunuin na quarantine period ng mga nakakumpleto na ng bakuna na naging close contact ng COVID-19 positive.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang hakbang ay ginawa bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19 Delta variant.
Ayon kay Roque, pansamantalang isasantabi muna ang IATF Resolution No. 124-B series of 2021 na inilabas nuong July 2, 2021 na nagpapahintulot sa mga fully vaccinated pero nagkaroon ng close contact sa mga probable o confirmed persons na may COVID 19 na makapag- quarantine ng pitong araw lamang at kung mananatiling asymptomatic ang isang close contact sa loob ng 14 araw ay saka lamang papayagan na makauwi ngunit kung nagpakita ito ng sintomas at nag positive sa testing ito ay agad na dadalhin sa ospital para gamutin.
Inihayag ni Roque mananatiling mahigpit ang mga patakaran na ipatutupad sa mga pinahihintulutang inbound passenger na pumapasok sa bansa para makontrol ang pagkalat pa ng ibat-ibang variant ng COVID 19.
Vic Somintac