Pinakamalaking revenue ng SSS, naitala nitong nakaraang taon
Nahigitan ng Social Security System o SSS ang kanilang 330.8 bilyong pisong target na kita nitong 2023.
Ayon kay SSS President at CEO Rolando Macasaet, nitong nakaraang taon ay umabot sa 362.2 bilyong piso ang kanilang kinita.
Ang 309.12 bilyon rito ay mula sa mga kontribusyon ng miyembro habang P53 bilyon naman ang kinita mula sa investments ng SSS.
Ito na umano ang pinakamalaking revenue na naabot ng SSS.
Nitong nakaraang taon umabot umano sa P1.4 milyon ang bagong miyembro ng SSS na umabot sa 10.4 bilyong piso ang kontribusyon.
Ipinagmalaki rin ng SSS na dahil sa kanilang matagumpay na Run After Contribution Evaders o RACE ay nakatulong ito para magbayad ng kontribusyon ng kanilang empleyado ang mga delinquent employer.
Tumaas naman ang expenses ng SSS nitong 2023 sa 270.4 bilyong piso mula sa dating 253.5 bilyon.
Ang naturang halaga ang bayad sa mga benepisyo at iba pang operating expenses ng SSS.
Pero pasok parin naman umano ito sa limitasyon nang pinapayagang paggastos ng SSS.
Madelyn Villar – Moratillo