Pinakamalaking Science fair sa Pasig city, pinangunahan ng DOST-NCR
Mula Oktubre 1- 3 ay ipagdiriwang sa Pasig City ang pinakamalaking Science Fair na pinangungunahan ng Department of Science and Technology (DOST-NCR).
Ito ay sa pamamagitan ng Regional Science and Technology Week o RSTW celebration, Pamamarisan cluster o ang Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan.
Ang tema ng pagdiriwang ay Science for the People for 2019, Enabling Technologies for Sustainable Development.
Sa unang araw ng selebrasyon, mahigit na 1,000 katao ang dumalo na kinabibilangan ng mga mag aaral, at mga guro mula sa iba’t-ibang paaralan na nasasakop ng Pamamarisan cluster.
Binigyang -diin ni DOST Secretary Fortunato dela Peña sa kanyang mensahe ang nauukol sa 17 sustainable development goals na ang ilan sa mga ito ay naisasagawa na ng kanilang sub-agency.
Bilang host municipality, sinabi naman ni Pasig city Mayor Vico Sotto na nais nilang mapayabong pa ang mga teknolohiya na magpapaunlad sa buhay at pamumuhay ng mga taga-Pasig.
Bukod dito, nais nila na ang mga pananaliksik, ang mga bagong kaalaman at teknolohiya ay kanilang maging gabay sa pagpapasiya, at pagbuo ng mga kaukulang polisiya, programa o proyekto na magiging daan upang lalong mailapit sa mga pasigueno ang agham…na tutugon naman sa tema ng DOST na “Science for the People” Enabling Technologies for Sustainable Development.
Ulat ni Belle Surara