Pinakamalaking US-PH Balikatan Exercises, isasagawa mula March 28- April 8
Halos 9,000 sundalong Pilipino at Amerikano ang lalahok sa Balikatan Exercises ngayong taon na pinakamalaki sa kasaysayan nito.
Kabuuang 3,800 na miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at 5,100 tropang Amerikano ang sama-samang magsasanay sa 2022 Balikatan na isasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Luzon mula March 28 hanggang April 8.
Ayon sa US Embassy, tutuon ang training sa maritime security, amphibious operations, live-fire training, urban operations, aviation operations, counterterrorism, humanitarian assistance at disaster relief.
Kabilang din sa exercise ang command post exercise na susubok sa kakayanan ng mga sundalo na magplano, mag-utos at mag-communicate sa simulated environment.
Magsasagawa rin ang mga tropang Pinoy at Amerikano ng mga humanitarian at civic assistance projects sa Balikatan ngayong taon.
Ilan sa mga ito ang renovation ng apat na elementary schools, community health engagements, at pagpapalitan ng advanced emergency rescue at lifesaving techniques.
Tiniyak ng embahada na susunod ang US military sa lahat ng COVID-19 travel regulations at pananatilihin ang social distancing at pagsusuot ng face masks hanggat maaari.
Moira Encina