Pinakamalaking war games, sinimulan na ng US at Pilipinas
Inilunsad na ng Pilipinas ang pinakamalaking joint military drills ngayong Lunes, senyales ng lumalalim na defence ties sa harap ng pagbangon ng mga bagong tensiyon sa pinag-aagawang South China Sea.
Ang nabanggit na war games ang huli sa ilalim ni outgoing President Rodrigo Duterte, na una nang nagbanta na kakanselahin ito at tatanggalin ang isang pangunahing military deal sa matagal nang kaalyadong Estados Unidos, nang siya ay pumaling sa China.
Halos 9,000 mga sundalong Pinoy at Amerikano ang lalahok sa 12-araw na training event sa magkabilang panig ng Luzon, na isang karaniwang event subali’t nakansela o naudlot dahil sa pandemya.
Sa ginanap na opening ceremony sa Maynila, sinabi ni Philippine military chief General Andres Centino, na ang pinakamalaking Balikatan war games ay sumasalamin sa “lumalalim na alyansa” sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon naman kay US Major General Jay Bargeron . . . “The ‘friendship and trust’ between their respective armed forces would allow them to succeed together across the entire spectrum of military operations.”
Sakop ng exercises ang maritime security, amphibious operation, live-fire training, counterterrorism, at humanitarian assistance and disaster relief.
Ang mga kamakailang maniobra sa pagitan ng dalawang bansa ay nakatuon sa potensyal na tunggalian sa South China Sea, na inaangkin ng Beijing sa halos kabuuan nito.
Mula nang maupo sa kapangyarihan noong 2016 ay mas lumapit si Duterte sa China, ngunit naharap sa pagbatikos ng publiko at pag-aalala ng militar na nangangamba sa territorial ambitions ng mga Tsino sa karagatan.
Trilyong dolyar na halaga ng kalakalan ang dumadaan sa South China Sea, na inaakalang kinaroroonan ng mayamang deposito ng petrolyo, na malimit pagmulan ng rehiyonal na alitan.
Binalewala ng China ang 2016 ruling ng The Hague-based Permanent Court of Arbitration, na ang historical claim nila ay walang basehan.
Pinatibay nito ang paninindigan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga artipisyal na isla sa ilang pinagtatalunang bahura (reefs) at paglalagay ng mga armas sa mga ito.
Ang hinaharap ng war games ay nawalan ng katiyakan matapos sabihin ni Duterte noong Pebrero 2020, na plano niyang sibakin na ang Visiting Forces Agreement, na nagkakaloob ng legal framework para ang US ay makapagsagawa ng joint military exercises at operations sa Pilipinas.
Nguni’t binawi nito ang desisyon noong Hulyo, nang tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Maynila at Beijing kaugnay ng isyu sa South China Sea, kasunod nang pagkakadiskubre sa daan-daang bangkang Tsino na nakadaong sa bahura ng Pilipinas.
Sa bisperas ng joint drills, inakusahan ng Philippine Coast Guard ang kanilang Chinese counterpart na inilapit nito ang isa sa kanilang mga barko ng ilang metro sa isang Filipino patrol boat malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal — isang flashpoint sa pagitan ng dalawang bansa.
Nangyari ito ilang linggo matapos komprontahin ng Maynila ang ambassador ng Beijing, dahil sa pananatili ng isang Chinese navy ship sa archipelagic waters ng Pilipinas.
Hindi agad sumagot ang Chinese embassy sa Maynila sa kahilingan ng mga mamamahayag na magbigay ito ng komento, tungkol sa war games o sa insidente sa Scarborough Shoal.
Ang mga pagsasanay ay gaganapin sa anino ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Ang US at ang mga kaalyado nito ay nagbibigay ng mga depensibong armas sa Kyiv at nagpapataw ng nakapipinsalang mga parusang pang-ekonomiya sa Moscow.
Si Duterte, na ang anim na taong termino ay magtatapos sa Hunyo, ay nagpahayag ng pagkabahala na ang Pilipinas ay “nasangkot” sa tunggalian dahil sa alyansa nito sa seguridad sa Estados Unidos.
Kasama rito ang mutual defense treaty at pahintulot para sa militar ng US na mag-imbak ng mga kagamitan at suplay ng depensa sa ilang base ng Pilipinas.