Pinakamalaking WordPress Event, Isasagawa sa Pilipinas
Sa kauna-unahang pagkakataon, napili ang Pilipinas bilang host ng pinakamalaking WordPress event sa Asia, ang WordCamp Asia 2025.
Dadaluhan ang pagtitipon ng mga WordPress enthusiasts, developers, designers, bloggers, at business owners na isasagawa sa Philippine International Convention Center (PICC) sa darating na Pebrero 20-22, 2025.
Kilala ang WordCamp Asia sa pagbuo ng mga komunidad, pagtuturo, at kooperasyon sa mga gumagamit ng WordPress ecosystem. Dahil dito, inaasahan ang pagdagsa ng libu-libong kalahok mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at rehiyon ng Asya.
Nakapaloob sa WordCamp Asia 2025 ang mahigit 40 sessions, workshops, at panel discussions na pangungunahan ng mga eksperto sa WordPress. Saklaw nito ang mga paksa ukol sa mga pinakabagong kaalaman at best practices sa paggamit ng WordPress.
Magandang pagkakataon rin ito upang makabuo ng pakipag-ugnayan at palitan ng ideya sa mahigit 2,000 WordPress professionals, kabilang ang mga lider sa industriya at mga influencer sa komunidad.
Gsyunman, limitado lamang ang bilang ng tiket para sa WordCamp Asia 2025, na maaaring ma-avail mula sa opisyal na website ng event: https://asia.wordcamp.org/2025/tickets/.
Ang pagho-host ng bansa sa WordCamp Asia ay isang magandang pagkakataon para sa lumalaking komunidad ng WordPress sa Pilipinas. Inaasahang lalo pang palalakasin nito ang lokal na industriya ng teknolohiya at magbibigay daan upang maipakita ang galing ng mga Pilipino sa buong mundo.
Masusubaybayan ang updates ng event sa social media pages nito sa Twitter, Facebook, at Instagram gamit ang hashtag #WCAsia2025.