Pinatuyong gulay at prutas, solusyon kapag sobra ang harvest
Madalas na mabulok lang ang mga prutas at gulay kapag sobrang dami ang suplay sa pamilihan.
Sayang ang salaping ginastos sa pagtatanim at ang pagod na pinuhunan ng mga magsasaka.
Upang ito ay masolusyunan, nag-develop ang DOST-Food and Nutrition Research Institute o FNRI ng isang teknolohiya upang hindi agad mabulok o masira ang agricultural products na tulad ng prutas at gulay.
Ayon kay Engr. Charlie Adona, Senior Science Research Specialist, Food and Development Group, DOST-FNRI, ang teknolohiya ay tinatawag na Low Heat at Low Humidity Drying System.
Paliwanag ni Adona, ang Low Heat at Low Humidity Drying System ay isang equipment na ginagamit sa pagpapatuyo ng prutas at gulay.
Nilalayon nitong patagalin ang shelf life ng mga naturang agricultural products lalo na kung marami ang supply.
Bagaman ang mga nabanggit na produkto ay dumadaan sa proseso ng Low Heat at Low Humidity, hindi nawawala ang nutrients na taglay ng prutas at gulay.
Inihalimbawa pa ni Adona na noong ginamit nila ito sa mangga, napatunayan nila na naging mataas ang retensyon ng Vitamin C content nito.
Bukod sa mangga, sinubukan rin nila ito sa gulay na tulad ng carrots, cabbage at bell pepper.
Ayon pa kay Adona, ang mga agricultural products na dumaan sa Low Heat at Low Humidity drying system ay magtatagal ng anim na buwan para sa prutas at apat na buwan naman para sa gulay.
Ang mga dried products ay dumaan sa consumer acceptability sensory testing na binigyan ng rating na 7, na ibig sabihin ay like moderately.
Binigyang diin ni Adona na ang mga pinatuyong produkto ay maaaring isama bilang bahagi ng emergency response sa panahon ng disasters, calamities at ngayong nararanasan pa rin ang pandemya.
Photo Courtesy of DOST-FNRI