Pinay, arestado matapos tangkaing magpuslit ng mahigit 40 milyong halaga ng shabu sa NAIA
Arestado ang isang Pinay matapos tangkaing magpuslit ng anim na kilo ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BOC, dumating ang nasabing Pinay sa NAIA Terminal 3 kaninang pasado alas-4:00 ng madaling araw mula sa Cambodia.
Nabuking ang iligal na droga na nagkakahalaga ng 40.8 million pesos matapos na isalang sa x-ray machine ang bag pack ng suspek.
Dahil naghinala ang x-ray machine operator, isinailalim sa physical examination ng Customs personnel ang bagahe nito at doon nakita ang shabu na nasa dalawang handbag.
Nakatago ang kilo kilo ng shabu sa mga foil pack ng tsaa.
Agad namang isinailalim sa field test ang mga nakitang iligal na droga at nagpositibo ito sa shabu.
Itu-turn over naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek na iprisinta rin ng BOC sa media at maging mga nakuhang shabu.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang suspek.
Nitong nakaraang buwan lang may nasabat ring shipment ng shabu mula sa Cambodia.
Tiniyak naman ng BOC na tuloy tuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay para masigurong hindi makakalusot ang mga iligal na droga at iba pang kontrabando.
Ulat ni Madz Moratillo