Pinay na papuntang Japan, hinarang sa NAIA dahil sa paggamit ng pekeng pasaporte
Naudlot ang bakasyon ng isang Pinay sa Tokyo matapos mahuli na gumagamit ng pekeng pasaporte.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval, naharang ng mga Immigration officers sa NAIA Terminal 1 ang 19- anyos na Pinay na hindi pinangalanan.
Iprinisinta ng babae ang limang araw na itinerary sa Jeju island at Tokyo para raw magbakasyon kasama ang kanyang Japanese na kasintahan.
Pero napansin agad ng Immigration officer na ang ipinakitang pasaporte ng Pinay ay walang mga security features na tulad ng sa regular na pasaporte.
Kinumpirma naman ng Forensic document laboratory ng BI na peke ang pasaporte ng Pinay.
Inamin ng babae na nag-apply siya para sa pasaporte noong Hulyo sa taong nakilala niya sa internet.
Nagbayad ang biktima ng 2000 pesos sa fixer na nangako ng mabilis na pagdeliver ng kanyang passport.
Bagamat noong nakaraang buwan lang nag-apply para sa passport ang babae ay nakasaad na 2016 ito inisyu.
Pinaalalahanan naman ng BI ang mga Pinoy na nagpaplanong magbiyahe abroad na huwag magpaloko at magpatulong sa mga fixer at sa halip ay sumunod na lang sa tamang proseso.
Ulat ni Moira Encina