Pinay, pinarangalan ng Fred Ebb Foundation dahil sa kahusayan sa musical theatre
Isa na namang Pinay ang kinilala para sa kaniyang kahusayan sa musical theatre.
Ang mga gawa ng Filipino-American na si Isabelle Dawis na isang playwright at librettist, ay suportado ng Musical Theater Factory, Kurt Weill Foundation, New York Theatre Barn, Bushwick Starr, Broadway Buskers, Town Stage, Central Square Theater, Skeleton Rep, New England Conservatory, at Schubert Club.
Siya ay 2019-2020 Rockwell Scholar sa Primary Stage Einhorn School of Performing Arts.
Ang composer/librettist team ni Dawis at ng Thailander niyang partner na si Tidtaya Sinutoke ay kinilala ng Fred Ebb Foundation bilang ika-17 tatangap ng award sa taunang parangal, dahil sa kahusayan sa musical theater.
Ang parangal ngayong taon ay unang pagkakataon na napagwagian ng isang Asian-American female writing team.
Ayon kay Mitchell Bernard, pamangkin ng iconic na manunulat ng Broadway, lyricist, composer, at direktor na si Fred Ebb, ang taunang parangal ay isang “tight competition” at ang likha ni Dawis at Sinutoke ay namumukod tangi.
Dinaig ng kanilang tambalan ang mahigit sa 300 lumahok sa kumpetisyon, dahil sa kanilang matapang na paksa, hindi nakaugaliang tema sa teatrong musikal, at markado ng mataas na antas ng pagkamalikhain sa musika at sining.
Sina Dawis at Sinutoke ang unang Asian American artists na nanalo ng award mula noong 2008, nang matanggap ng Chinese American-Jewish na si Adam Gwon ang award.