Pinoy na nagpositibo sa Covid-19 variant, negatibo na sa virus
Negatibo na sa Covid-19 virus ang Pinoy na kauna-unahang naging kaso ng Pilipinas sa Covid-19 variant.
Ito ang ipinalabas na pahayag ng Pamahalaang Panglunsod ng Quezon matapos ang pinakahuling swab test na isinagawa sa pasyente
Gayunman, sinabi ni Dr. Rolly Cruz, pinuno ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), ang mga doktor sa Quarantine Facility kung saan nananatili ang pasyente ang magpapasya kung tuluyan na itong nakarekober sa karamdaman.
Kapag nagpalabas na aniya ng final assessment, papayagan na itong makasama ang kaniyang pamilya at makauwi na sa kaniyang tahanan.
Sa ngayon, mananatili muna ang pasyente sa ilalim ng mahigpit na monitoring sa susunod na dalawang linggo pa.
Kasabay nito, nagbabala si Quezon City Mayor Joy Belmonte na maaaring patawan ng parusa ang masusumpungang nagpapakita ng diskriminasyon sa mga Covid patients sa ilalim ng umiiral na Anti-Discrimination Ordinance ng lunsod.
Aniya, walang maitutulong ang diskriminasyon dahil mas lalu lamang itong nakabibigat sa sitwasyon.
========