Pinoy sa Singapore nag-positibo sa monkeypox –DFA
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang lalaking Pilipino sa Singapore ang nahawahan ng monkeypox.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, mino-monitor ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore ang kaso.
Batay sa website ng Singapore Ministry of Health, ang 31 taong gulang na Pinoy ay nagpositibo sa monkeypox noong Hulyo 25.
Naka-admit sa Singapore General Hospital ang Pinoy at stable ang kondisyon.
Sinabi pa ng MOH na hindi konektado ang kaso sa mga naunang monkeypox cases sa bansa na inanunsiyo nito.
Nilagnat ang Pinoy noong Hulyo 21 at kalaunan ay nagkaroon ng rashes sa mukha at perianal region na kumalat sa iba pang bahagi ng katawan nito.
Nagpatingin ito sa SGH noong Hulyo 24 at na-admit sa parehong araw.
Nagpapatuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng Pilipino.
Moira Encina