Pinoy voters sa Rome Italy, inireklamo ang ‘di maayos na Overseas absentee voting
Nagreklamo ang mga pinoy sa Rome,Italy sa hindi magandang proseso sa pagdaraos ng Overseas Absentee Voting.
Sa video na ipinadala ni Daisy Solomon, ang mga botante, pagkakuha ng kanilang mga balota, lumalabas pa ng embahada at sa gilid ng kalsada nagsusulat at nagse- shade ng balota.
Humingi sila ng tulong sa pamamagitan ng tumatakbong Senador na si Rey langit para aksyunan ito ng DFA at Comelec lalo’t tatagal ng isang buwan ang absentee voting.
Sa abiso ng embahada ng Pilipinas sa Rome, mula alas ocho ng umaga lang hanggang ala 1 ng hapon ang oras ng botohan mula April 10 hanggang May 10.
Sa Hongkong, mahaba ang pila ng mga nais bomoto sa unang araw ng Overseas Absentee Voting.
Pero bigo ang marami sa kanila na makaboto dahil bukod sa kakaunti ang vote counting machines, nilimitahan ang bilang ng mga pwedeng bomoto bilang pagsunod sa mga health protocol dahil sa COVID-19.
Ayon kay Senador Imee Marcos na Chairman ng Senate committee on electoral reforms, bukod sa Roma at Hongkong, marami pang reklamo ang ipinarating sa kanya ng mga OFW sa Saudi arabia at United Kingdom.
Kulang aniya ang information campaign ng DFA at Comelec dahil hindi alam ng mga mga Pinoy doon kung saan boboto.
Bukod pa rito ang mga hindi natatanggap na mail in ballots dahilan kaya hindi makaboto ang mga Pinoy.
Mungkahi niya habang maaga pa habaan ang oras ng pagboto.
Ayon naman kay Comelec Commission Marlon Casquejo makikipag- usap na sila sa consul ng Roma para ipaalala na dapat sa loob ng gusali ang pagse shade ng mga balota.
May ginagawa na rin daw silang hakbang para hindi magkaaberya ang Overseas Absentee Voting.
Meanne Corvera