Pinsala ng bagyong Egay sa agrikultura pumalo sa P53.1M – DA
Tinatayang aabot sa P53.1 million ang pinsala at pagkalugi sa sector ng agrikultura dahi sa bagyong Egay.
Sa data na inilabas ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ng Department of Agriculture (DA) hanggang nitong July 27, 2023, lumalabas na 2,303 magsasaka ang naapektuhan ng Egay, na kumakatawan sa production loss na 1,871 metric tons (MT).
Pinakamalaking pinsala ang natamo sa mais kung saan 1,176 hectares ang naapektuhan o katumbas ng 1,837 MT, o pagkalugi na aabot sa P31.1 million.
Sinundan ito ng pinsala sa bigas na nagtala ng pagkalugi na aabot sa P20.8 million at livestock and poultry na katumbas ng P2.1 million.
Tiniyak naman ng DA na available na ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda, kabilang ang bigas, mais, iba’t ibang vegetable seeds, gamot at biologics para sa livestock and poultry, at fingerling assistance.
Maaari ring mag-avail ang mga apektado nang hanggang P25,000 pautang sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council, bukod pa sa quick-response fund na maaaring magamit para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.
Weng dela fuente