Pinsala ng El Niño sa agrikultura, umabot na sa higit P1.3B
Umakyat na sa P1.31 bilyon ang halaga ng pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura ng bansa batay sa pinakahuling tala ng kagawaran
Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa na katumbas ito ng 14,000 ektaryang palayan.
Ayon kay De Mesa, bagamat tumataas ang pinsala ay nasa 1.5% pa lamang ito ng mga lugar na may pananim sa bansa.
Pagdating naman aniya sa volume ay wala pa itong isang porsiyento ng inaasahang ani ngayong taon.
Mababa rin aniya ito kung ikukumpara sa epekto ng El Niño noong 1997 at 1998 kung kailan 372,000 na ektarya ang napinsala dahil sa matinding tagtuyot.
Ayon pa sa DA official, pinakamalubhang tinamaan ng El Niño ngayong taon ay ang mga taniman sa Western Visayas, Zamboanga, Ilocos at Mindoro.
Nakatulong naman aniya para maibsan ang epekto ng tagtuyot ang mga ipinatupad na water management intervention ng DA.
Moira Encina