Pinsala ng sunog sa isang mall sa Antique, tinatayang aabot sa 80 milyon
Tinatayang aabot sa 80 milyong piso ang naging pinsala ng sunog sa dalawang palapag na Gaisano Grand Mall sa bayan ng San Jose de Buenavista sa Antique kahapon.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Antique Marshal Randy Pudadera, naideklarang fire-out o tuluyang naapula na ang apoy, kahapon, Sabado, June 19 ng alas-12:15 ng hapon mula nang sumiklab ang apoy sa gusali ng June 17, Huwebes ng hapon.
Nasa site na rin ang mga inspector na ipinadala ng BFP Central office para imbestigahan ang pinagmulan ng sunog.
Batay aniya sa inisyal na imbestigasyon, nasa 57 stalls sa loob ng mall ang nawasak ng sunog.
Nasa higit 300 mga empleyado at tenants ng mall ang naapektuhan.
Nagpaabot na ng tulong ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa mga naapektuhan at nabigyan ang mga ito ng tig-5,000 piso at mga bigas.
Ang Gaisano mall na nasa Barangay 8 ay ang unang shopping mall sa Antique.