Pinsala sa agrikultura dahil sa El Niño, pumalo na sa mahigit 5 bilyong piso
Pumalo na sa 5.05 bilyong pisong halaga ng agrikultura sa bansa ang napinsala ng tagtuyot.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Director Edgar Posadas, ito ay batay na rin sa datos ng Department of Agriculture (DA).
Ang pinsala ay mula sa 14 na rehiyon ng bansa kabilang ang Cordillera, Regions 1,2, 3, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Regions 6, 8, 9, 10, 11, 12 at BARMM.
Maliban dito, sinabi pa ni Posadas na aabot na sa 26 local government ang nagdeklara ng State of Calamities.
Kinabibilangan ito ng 4 na lalawigan at 22 mga lunsod at munisipalidad.
Tiniyak din aniya sa kanila ng DSWD na may nakalaang mahigit 11 bilyong pisong pondo para sakaling kailanganin ang relief efforts bukod pa sa tulong mula sa Agriculture Department at iba pang local government units.
Tuluy-tuloy din aniya ang ginagawa nilang cloud seeding sa Cagayan Valley na isa sa naapektuhan ng dry spell.