Pinsalang dulot ng oil spill sa Oriental Mindoro pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Senador Cynthia Villar sa Senado ang pinsalang dulot ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Naghain si Villar ng Senate Resolution 537 para hilingin sa Committee on Environment na busisiin ang pagkalat ng langis mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress.
Nais malaman ng Senador kung naipatutupad ba ang Oil Pollution Compensation Act of 2007, na nag-uutos na panagutin ang mga magdudulot ng pinsala dahil sa oil pollution.
Sa naturang batas inaatasan ang sinumang kumpanya o indibidwal na gumawa ng pinsala na bigyan agad ng kompensasyon ang mga maaapektuhan.
Kailangan ding tingnan ang mga dapat gawin upang mapigilan ang pagkalat ng oil spill na kung hindi maaagapan ay maaaring maapektuhan ang l36,000 ektaryang coral reefs, mangroves at seagrass sa karagatan ng Oriental at Occidental Mindoro, Palawan at Antique.
Nanganganib din na masira ang marine biodiversity sa Verde Island Passage na tirahan ng iba’t ibang marine species.
Bukod pa rito ang pagkasira sa kalikasan, banta sa kalusugan at kabuhayan ng mga residente sa apektadong lugar.
Meanne Corvera