Piskalya ng Davao del Norte ibinasura ang mga reklamong kriminal laban sa tinaguriang “Bakwit School 7”

Ipinagutos ng Davao Del Norte Provincial Prosecutor’s Office sa PNP na palayain na ang pitong indibidwal na una nang inaresto nito matapos ang sinasabing rescue operation sa mga batang katutubo sa Cebu City noong Pebrero.

Sa 14 na pahinang resolusyon, sinabi ng piskalya na wala itong nakitang sapat na ebidensya sa mga reklamong kidnapping at serious illegal detention, human trafficking at child abuse laban sa pito.

Dahil dito, ibinasura ang nasabing mga reklamo laban kina Chad Errol Booc, Segundo Melong, Benito Bay-ao, Moddie Mansimoy-at, Esmelito Oribawan, Roshelle Mae Porcadilla, at Jomar Benag.

Ayon pa sa resolusyon, kahit na may indikasyon pa ng mga akto ng mga nasabing krimen ay ito ay nangyari sa Davao City o Cebu City at wala na ito sa hurisdiksyon ng piskalya ng Davao del Norte.

Ang kaso laban sa pito na tinaguriang “Bakwit School 7” ay nag-ugat sa operasyon ng pulisya sa retreat house sa University of San Carlos kung saan sinasabing sinagip ang 19 na menor de edad na kabilang sa Manobo Tribe.

Batay sa mga complainant, tinuturuan ng mga respondents ang mga bata ng ideolohiya ng CPP- NPA at sinasanay para maging “child warriors.”

Sinabi pa sa affidavit ng mga complainant na may ipinapanood na videos laban sa gobyerno sa mga bata at hinihimok ang mga ito na magalit sa pamahalaan at sumali sa CPP- NPA.

May mga “martials” din anila sa retreat house para hindi makatakas ang mga bata.

Tinatakot din raw ang mga ito para kumbinsihing manatili sa Cebu kahit gusto na ng mga bata na umuwi sa kanilang bahay sa Talaingod.

Itinanggi naman ng mga respondents na tinuturuan nila ng communist ideologies ang mga estudyante.

Malaya din anila ang mga bata sa retreat house at naaalagaang mabuti.

Naantala lang din daw ang pag-uwi ng mga bata noong Abril 2020 dahil na rin sa lockdown.

Moira Encina

Please follow and like us: