Piskalya sa QC kakasuhan sa korte ang lalaki na umano’y nagbanta sa buhay ni BBM
Inirekomenda ng Quezon City Prosecutors Office na kasuhan sa hukuman ang lalaking sinasabing nagbanta online sa buhay ni presidential aspirant Bongbong Marcos.
Ayon sa Office of the Prosecutor General, sasampahan ng piskalya ng kasong grave threat sa Quezon City Regional Trial Court si Michael Lising Go.
Inirekomenda ng QC Prosecutors Office ang piyansa na Php72,000 para sa pansamantalang paglaya ni Go.
Si Go na isang delivery rider mula sa Brgy. Sta. Lucia, QC ay una nang naaresto ng pulisya noong Biyernes.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y post ni Go sa Twitter na babarilin niya raw si Marcos Jr. kapag ito ay dumaan sa Tandang Sora, Quezon City.
Batay pa sinasabing tweet ni Go, karangalan daw na maipaghiganti niya ang mga kasamahang aktibista noong panahon ng Batas Militar.
Deleted na ang nasabing Twitter account.
Una nang itinanggi ng kampo ni Go na siya ang nasa likod ng pagbabanta at biktima siya ng mistaken identity.
Moira Encina