PISTON naghain ng supplemental motion sa SC laban sa PUV consolidation
Muling dumulog sa Korte Suprema ang grupong PISTON at isang commuter group, para hilingin na magpalabas ng TRO upang pigilin ang implementasyon ng jeepney modernization sa Mayo 1.
Ito ay sa pamamagitan ng supplemental motion na inihain ng mga grupo sa Supreme Court.
Sa 17-pahinang mosyon, hiniling ng petitioners na mag-isyu muna ang SC ng TRO laban sa franchise consolidation habang wala pa itong desisyon sa petisyon.
Ayon kay Atty. Krissi Conri, legal counsel, “Mahal, malaki ang babayaran para makapagtayo ng kooperatba o kooperasyon, ibig sabihin ng consolidation ay dagdag na bayad o dagdag na gastusin para doon sa jeepney drivers.”
Iginiit ng petitioners na kahit pa manalo sila sa SC, sa huli ay hindi na mababawi ang mga mawawala sa hanapbuhay ng mga tsuper na matatanggalan ng prangkisa simula sa May 1.
Naniniwala ang PISTON na hindi magdudulot ng malaking pinsala sa panig ng gobyerno kung ipagpapaliban muna ng isa hanggang dalawang buwan ang implementasyon ng modernization habang wala pang ruling ang SC.
Sinabi ng isang miyembro ng PISTON, “Kailangan na magbaba ng TRO yung mga prangkisa na natanggalan na mula 2017 hanggang sa ngayon, malaki na ang epekto nito at hindi na puwede maibalik yun.”
Moira Encina