Pito ang patay sa pagbagsak ng isang helicopter sa Sinai
CAIRO, Egypt (AFP) – Pito katao ang nasawi kabilang ang limang US MFO members, isang French national at isang Czech citizen, sa pagbagsak ng isang helicopter lulan ang isang multi-national observer force, habang nagsasagawa ng isang routine mission, sa Sinai Peninsula sa Egypt.
Sa pamamagitan ng tweet ay ipinaabot ni US President-elect Joe Biden ang pakikiramay sa mga kaanak ng mga nasawing peacekeepers, at ang paghiling sa paggaling ng nag-iisang amerikanong nakaligtas.
Ayon sa Multinational Force and Observers (MFO), ang nag-iisang survivor sa aksidente na isang American MFO peacekeeper, ay dinala ng Israeli Defence Forces (IDF) helicopter na may sakay na elite search and rescue soldiers, sa isang Israeli hospital para sa medical treatment.
Sa isang statement ay sinabi ng multi-national force, na naglunsad na sila ng full investigation sa pagbagsak ng helicopter, na lumilitaw na mechanical failure in nature.
Nagpadala na rin ng kaniyang pakikiramay si Israeli Foreign Minister Gabi Ashkenazi sa pamilya ng mga biktima, sa pamamagitan ng tweet ng isang tagapagsalita kung saan binigyang diin nito na lubhang mahalaga ang seguridad at katatagan sa rehiyon.
Ayaw namang magbigay ng iba pang detalye ang Egyptian officials mula sa South Sinai governor’s office at maging ang MFO, tungkol sa eksaktong crash site.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang foreign ministry ng Egypt, kung saan kinumpirma nito na isang mechanical failure ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter malapit sa Tiran island.
Sa pahayag naman ng Czech army, ay sinabi nito na isang technical defect ang sanhi ng pagbagsak, at binanggit din na ang Czech victim ay si sergeant Michaela Ticha.
Sa kasalukuyan, ang MFO ay mayroong higit 1,100 troops, na mula sa Australia, United States, Canada at France, at pinopondohan ng Egypt, Israel at US.
© Agence France-Presse