Pito patay sa Haiti dahil sa cholera
Pito katao sa Haiti ang nasawi dahil sa cholera, na nagdulot ng panibagong mga pangamba ng muling paglitaw ng epidemya sa bansa na dumaranas ngayon ng krisis sa fuel.
Matatandaan na halos 10,000 katao ang nasawi sa cholera nang magkaroon ng outbreak na sinasabing dala ng United Nations workers, na tumulong sa bansa nang tamaan ito ng lindol noong 2010.
Halos tatlong taon matapos makumpirma ang huling kaso ng sakit, sinabi ng health ministry ng Haiti na maraming hinihinalang kaso ang na-detect sa Port-au-Prince, kapitolyo ng bansa at sa coastal neighborhood nito na Cite Soleil.
Sinabi ni Laure Adrien, director general ng public health ministry ng Haiti, “Seven or eight people had already died. Most of the victims died in the communities and could not go to hospitals.”
Kaugnay nito ay nanawagan si Adrien para alisin na ang inilagay na roadblocks sa buong bansa na resulta ng mga protesta laban sa pagtaas ng halaga ng gas, upang ang mga infected ay madala sa health facilities o makuha ng mga ambulansiya.
Nakararanas ng mga protesta ang bansa simula pa noong September 11, nang i-anunsiyo ni Prime Minister Ariel Henry ang pagtaas sa presyo ng fuel, sa pagsasabing masyadong mahal ang subsidiya para sa isa sa pinakamahirap na bansa sa buong mundo.
Una nang ipinahayag ng health ministry, na gumagawa na sila ng hakbang upang malimitahan ang pagkalat ng virus, kabilang ang imbestigasyon sa iba pang posibleng mga kaso habang nanawagan naman sa publiko na dagdagan ang “hygiene precautions.”
Sa nangyaring outbreak noong 2010, ang unang viral infections ay na-detect sa paligid ng Artibonite River, kung saan itinatapon ng UN peacekeepers ang kanilang mga dumi.
Subalit noon lamang August 2016 opisyal na kinilala ng UN ang naging papel nila sa paglitaw ng epidemya.
Ang huling positibong kaso bago ang na-detect na kaso nitong Linggo ay noong 2019, at noong February 2022 ay minarkahan ng Ministry of Public Health sa isang seremonya ang opisyal na pagtatapos ng cholera sa kanilang bansa.
© Agence France-Presse