Pitong iba pang pulis Malabon na idinadawit sa kidnapping-robbery humarap sa pagdinig ng DOJ
Dumalo sa preliminary investigation ng DOJ ang pitong iba pang pulis Malabon na inakusahan ng kidnapping at robbery.
Ito ay sina spo2 Gerry dela Torre, PO3 Michael Angelo Diaz Solomon, PO3 Luis Tayo Hizon, Jr., PO2 Michael Papa Huerto, PO1 Jovito Cabutotan Roque, Jr., PO1 Ricky Alix Lamsen, at PO3 Bernardino C. Pacoma.
Naka- posas ang pitong pulis na gwardiyado ng mga tauhan ng PNP -Counter Intelligence Task Force.
Reklamong kidnapping, robbery, carnapping at paglabag sa section 29 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165 o planting of evidence ang isinampa laban sa pito.
Ayon sa abogado nila na si Reginald Jose, maghahain na dapat sila ng counter affidavit pero hindi itinuloy dahil may mga karagdagang salaysay ang mga complainant na inihain sa DOJ.
Pinagbigyan naman ng DOJ ang hiling nila na maisumite ang kanilang kontra salaysay sa June 13 na susunod na araw ng pagdinig.
Ang kaso laban sa pito ay nag-ugat sa sinasabing pagdukot sa negosyanteng si Norma Adrales noong Mayo.
Ulat ni: Moira Encina