Pitong Pilipino nawawala pa rin sa gitna ng labanan sa pagitan ng Hamas at Israel
Pitong Pilipino ang nawawala pa rin habang nagpapatuloy ang labanan sa pagitan ng Hamas at Israel.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Philippine Embassy sa Israel, na ang asawa ng isang Pilipina ay maaaring bihag ng mga armadong indibidwal.
Ayon sa embahada, ang lalaki ay nakilala ng kaniyang asawa sa isang video na ipinadala sa embahada kung saan makikita ang mga armadong indibidwal at isang lalaki na posibleng dinala sa Gaza.
Pahayag ng embahada, “While it cannot independently verify the identity of the man based on the video alone, the embassy considers the report of the wife as compelling and urgently relayed the information to the Israel authorities, we’re also working with community contacts on this matter.”
Batay pa sa pahayag ng embahada, base sa impormasyon na naberipika nitong Oktubre 9, ang pito na hindi pa natutukoy ay bahagi ng 29 na mga Pilipino na unang napaulat na nawawala.
Hanggang sa ngayon, ang pito ay hindi pa rin makontak sa kanilang mobile phone numbers o social media accounts.
Samantala, ang natitirang 22 sa 29,ay nailigtas ng Israeli security forces at nailipat na sa isang mas ligtas na lugar.
Sinabi rin ng embahada na sa 22, isa ay ginagamot sa ospital dahil sa natamong bahagyang injury habang isinasagawa ang rescue operations, habang ang isa naman ay ginagamot dahil sa smoke inhalation ngunit nagpapahinga na ngayon sa isang hotel sa Tel Aviv.
Ang dalawang nabanggit ay kapwa nabisita na ng labor attaché at opisyal ng embahada, at binigyan na rin ng ayuda at mga suplay.
Ayon sa embahada, “The embassy will issue updates on the status of the above Filipinos as soon as additional verified information is received.”
Sa kanilang pahayag, ay muling mahigpit na nagpaalala ang embahada sa mga Pilipino na nasa Israel na mamalagi sa kani-kanilang tinitirhan at iwasan ang pagpunta sa matataong lugar.
Dapat din silang patuloy na magmonitor sa security situation sa pamamagitan ng security advisories ng Israeli authorities, ng embahada at pinagkakatiwalaang media outlets.
Maaari rin silang makipag-ugnayan sa embahada at sa kanilang komunidad at group leaders.
Mahigit sa 1000 ang napaulat na namatay kasunod ng sorpresang pag-atake ng Hamas at ang ganting atake ng Israel.