Pitong pulis pina-contempt ng Senado sa isyu ng 990 kilo ng shabu bust
Pitong pulis na ang pinatawan ng contempt at ikukulong sa Senado, dahil sa pagsisinungaling sa imbestigasyon sa kaso ng nasabat na 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa Tondo, Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, naubos ang pasensya ng mga senador sa anila’y grand cover-up ng mga pulis.
Kabilang sa mga pulis na na-cite for contempt sina Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr., at ang kaniyang boss na si OIC PNP Drug Enforcement Group (PDEG) National Capital Region (NCR) Lt. Col. Arnulfo Ibañez.
Maka-ilang ulit tinanong ng mga Senador si Ibañez kung may nalalaman ba to sa mga lakad ni Mayo, at sino ang mga posibleng kasabwat nito sa pagtatago ng 990 kilos ng shabu
Sagot ni Ibañez wala syang impormasyon sa mga operasyon ni Mayo.
Nang tanungin si Mayo, muli nitong iginiit ang kaniyang ‘rights to remain silent’ at ‘rights against self-incrimination.’
“This committee found out attempted cover, frustrated cover-up. Bahala na kayo, it’s an, it’s not fully consummated para lang makasuhan si Mayo,” pahayag ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng komite.
Bukod kina Ibañez at Mayo, pinatawan rin ng contempt sina Police Master Sgt. Carlo Bayeta, Patrolmen Hasan Kalaw, Dennis Carolina, Rommar Bugarin at Justin Peter Gular.
Iginiit kasi ng lima na hindi raw sila bahagi ng arresting team na nakahuli kay Mayo, kahit pa pinangalanan na sila ng head ng arresting team na si Police Captain Jonathan Sosongco.
Una nang pinatawan ng contempt at ipinakulong ng Senado si Sosongco noong nakarang linggo, dahil sa pag-iwas na sumagot sa mga tanong ng mga senador.
Hanggang ngayon hindi pa rin kasi nasasagot ang tanong ng mga senador kung saan nanggaling ang 990 kilo ng shabu at sino ang kanilang mga impormante
Gustong malaman ng mga mambabatas kung ang nadiskubreng droga ay savings tuwing may drug raid, kung kinukupit at itinatago ng mga pulis
Ginisa rin sila ng mga Senador pero paulit-ulit na iginiit ang kanilang karapatang manahimik kaya nawalan na ng pasensya ang Senador.
“Alam naming delikado rin ang ginagawa namin dahil gusto naming malaman ang katotohanan, gusto nyo bang sinisigawan kayo dito? Gusto nyo bang minumura kayo ng mga kasama kong senador o murahin namin kayo sa kahihiyan,” pahayag ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla.
Ang pitong pulis ay ikukulong sa Senate Sergeant-at-Arms habang si Mayo ay mananatili sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Bago matapos ang pagdinig, lumuhod si dela Rosa sa harap ng mga pulis.
Paki-usap nya magsalita na ang mga ito at sabihin ang totoo tungkol sa raid ng shabu kung saan dawit ang kanilang kasamahang pulis na si Mayo.
“Kami maninikluhod ako sa inyo. Please magsalita na kayo, maawa kayo sa Pilipinas. Magsabi na kayo ng totoo. Luluhod ako. Hindi ito power tripping, magpapakumbaba na ako para ilabas nyo ang katotohanan, alang-alang sa mga anak nyo,” binigyang-diin pa ni dela Rosa.
Sa kabila ng gigil at galit ng mga senador, wala silang napiga sa mga pulis.
Sinabi ni dela Rosa na wala silang balak na itigil ang imbestigasyon hangga’t hindi napapanagot ang mga pulis na posibleng nagsabwatan para magtago ng ilegal na droga.
Meanne Corvera