Pitong Russian generals na napatay sa Ukraine, pinangalanan na
Pinangalanan na ng Western officials nitong Biyernes, ang pitong Russian generals na anila’y napatay, at isa pa na na-dismiss sa panahon ng giyera sa Ukraine.
Ibinunyag ng isang opisyal, na ang huling nasawi na si Lieutenant General Yakov Rezanstev, ay komander ng 49th Combined Arms Army ng Russia sa kanilang southern military district.
Samantala, si Russian Army Commander General Vlaislav Yershov, ng 6th Combined Arms Army, ay tinukoy na siyang heneral na dinismiss ng Kremlin sa mga unang bahagi ng linggong ito.
Napaulat na ang biglaan niyang dismissal ay dahil sa malalaking pagkatalo at nakitang strategic failures, sa isang buwan nang Russian military invasion sa Ukraine.
Kabilang din sa sinasabing nasawi ay si General Magomed Tushaev, ng Chechen Special Forces na idineploy ni Russian President Vladimir Putin sa Ukraine.
Ang bilang kapwa ng rank-and-file Russian troops at senior officers na umano’y napatay sa isang buwan nang digmaan, ay ikinagulat ng Western military at security officials.
Isa sa itinuturong dahilan nito ay ang isyu sa komunikasyon at logistics, na sanhi para gumamit ng unecrypted channels ang senior officers kaya’t na-expose sila sa Ukrainian forces.
Nitong Biyernes ay sinabi ng Kremlin, na mayroon lamang higit 1,300 military personnel ang nasawi sa giyera, nguni’t ang pagtaya na apat o limang beses pa nito ang bilang ay nakikitang kapani-paniwala sa Western capitals.
Naniniwala ang mga opisyal doon na humigit-kumulang 20 sa 115-120 battalion tactical groups na idineploy ng Moscow sa Ukraine, ay “hindi na combat effective” dahil sa mga tinamong pagkatalo.
Ayon sa naturang Western official . . . “After a month of operations to have somewhere in the region of perhaps a sixth… of the forces being no longer combat effective — that’s a pretty remarkable set of statistics.”