Pitong suspek sa Salilig hazing inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng paglabag sa Anti -Hazing law
Pinakakasuhan na sa korte ng DOJ panel of prosecutors ng paglabag sa Anti- Hazing law ang pitong miyembro ng Tau Gamma Phi na suspek sa pagkamatay ng estudyanteng si John Matthew Salilig.
Ito ay matapos makitaan ng probable cause ng DOJ panel ang reklamong isinampa laban sa pitong frat members.
Kabilang sa mga inirekomendang kasuhan ang lider ng Tau Gamma Phi- Adamson Chapter na si Tung Cheng Teng Jr. at master initiator na si Daniel Perry.
Sasampahan din ng hazing case sina Earl Anthony Romero, Jerome Balot, Sandro Victorino, Michael Lambert Ritalde, at Mark Pedrosa.
Ayon sa DOJ, napatunayan na kasama sa pagpaplano at aktuwal na hazing ang pito.
Sinabi pa sa resolusyon ng panel na ang hazing sa pamamagitan ng paddling sa welcoming rites ng nasabing fraternity ang naging sanhi ng pagpanaw ni Salilig.
Isasampa ang dalawang counts ng hazing sa mga respondent sa Biñan City Regional Trial Court.
Inirekomenda rin DOJ panel na imbestigahan motu proprio ng Adamson University ang pangyayari, tukuyin ang iba pang posibleng testigo at makipagtulungan sa patuloy na imbestigasyon ng pulisya sa iba pang sangkot sa hazing.
Moira Encina