Plano ng makakaliwang grupo na patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte, validated – AFP
Muling iginiit ng Armed Forces of Philippines na hindi sila laban sa kapayapaan.
Sa katunayan, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo na sila ang unang naghahangad na matuloy ang Usapang Pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA.
Magkagayunman, ang isinusulong na Usapang Pangkapayapaan ay dapat sinsero, transparent at secured para sa mga mamamayan.
Taliwas aniya ito sa hangaring peacetalks umano ng makakaliwang grupo upang magkaroon ang mga ito ng pagkakataong mapalakas ang kanilang grupo sa pamamagitan ng pagre-recruit, at pag-angkin muli ng mga lupaing nabawi na sa kanila.
Sinabi pa ni Arevalo na bukod sa di tapat na hangarin ng mga rebelde, natuklasan nila mula sa mga sumukong komunista na may plano talaga ang mga ito na patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.
“Validated po yan. It took us this time para malaman na po ng ating mga kababayan ang impormasyon na yan. Kung ang Armed Forces of the Philippines ang tatanungin, nakita natin na hindi po sila karapat-dapat sa pagtitiwala na ibinibigay ng mga mamamayan sa kanila at hindi rin sila karapat-dapat sa tapat na hangarin ng ating mga kababayan na magkaroon ng tunay na kapayapaan na magbibigay daan sa katahimikan at pag-unlad ng ating bansa”- AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo
===================