Plano ni Bagong DSWD Secretary Rex Gatchalian na harapin ang ibat ibang social problem ng bansa
Inisa-isa ni bagong talagang Department of Social Welfare and Development o DSWD Secretary Rex Gatchalian ang estratehiya na gagamitin para tugunan ang pangangailangan ng publiko lalo na sa panahon ng pananalasa ng kalamidad at pagtugon sa problema ng kagutuman at kahirapan sa bansa.
Sa isang press conference sinabi ni Gatchalian na ang una niyang gagawin ay isaayos ang data at listahan ng mga mahihirap na mamayan na tutulungan ng DSWD kaya kukunin ng ahensiya ang mga data expert na kinabibilangan ng Philippine Statistics Authority o PSA at Social Weather Stations o SWS.
Ayon kay Gatchalian kailangang matukoy kung sino talaga ang dapat na tulungan ng DSWD lalo na sa pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4PS at iba pang financial assistance ng gobyerno.
Inihayag ni Gatchalian na tututukan niya ang paglaban sa kagutuman at kahirapan sa pamamagitan ng pagbabalik ng food stub at pagbibigay ng livelihood assistance sa mga mahihirap.
Niliwanag naman ni Gatchalian sa pagtugon sa panahon ng kalamidad pabibilisin pa lalo ng DSWD ang pagbibigay ng relief assistance sa pamamagitan ng paglalagay ng mga assistance hub sa bawat municipalidad ng bansa.
Niliwanag pa ng kalihim na kailangang bago at pagkatapos manalasa ng kalamidad sa alinmang lugar sa bansa ay naroon ang presensiya ng gobyerno.
Vic Somintac