Planong pagbebenta ng negosyanteng si Dennis Uy sa kaniyang share sa Malampaya gas project , ikinabahala ng isang Senador
Nababahala si Senador Sherwin Gatchalian sa magiging lagay ng enerhiya ng bansa kasunod ng napaulat na planong pagbebenta ng negosyanteng si Dennis Uy sa kaniyang shares sa Malampaya Gas Project.
Pangamba ng Senador, baka magkaroon na naman ng mga rotational brownout dahil walang kasiguruhan ang hinaharap sa enerhiya sa 2024.
Magpapaso na ang service contract ng Malampaya at inaasahang mauubos ang natitirang reserbang natural gas sa 2027 na ngayon ay posibleng ibenta pa ng Udenna.
Noong nakaraang taon inimbestigahan aniya ng Senado ang Department of Energy bakit ibinigay sa Udenna ang 45 percent stake ng Chevron Philippines at 45 percent stake ng Shell Philippines Exploration gayong wala pala silang kakayahan .
Ito’y dahil sa mga report na baon ito sa utang at walang technical capability ang Udenna sa operasyon ng Malampaya.
Giit ng Senador ang Malampaya ang isa sa mga mahalagang energy asset ng bansa dahil dito umaasa ng suplay ang mga planta ng kuryente na nagseserbisyo naman sa may 4.5 million na mga tahanan at negosyo sa Metro manila.
Ito rin ang nakapagbigay ng malaking kontribusyon sa gobyerno na umabot sa 290.76 billion mula pa January 2002 hanggang noong June 2021.
Meanne Corvera