Planong paggawa ng electric car inabandona na ng Apple
Inabandona na ng Apple ang ambisyon nitong gumawa ng electric car, na tumapos sa isang dekada nang proyekto.
Sa report ng Bloomberg, nagtalaga ang iPhone maker ng halos 2,000 mga empleyado sa inilihim nilang car development program, subalit naharap sa paglago ng competitive electric vehicle (EV) sector.
Ang target ng “Project Titan,” na nagsimula noong 2014, ay ang mag-develop ng isang ‘fully autonomous car,’ ayon sa media reports.
Banggit ang hindi pinangalanang sources, iniulat ng Bloomberg at The New York Times, na ang desisyong i-shut down na ang car project ay inanunsyo sa loob ng kompanya.
Napaulat na bilyong dolyar ang ipinuhunan ng Apple sa proyekto.
Hindi naman tumugon ang tech giant nang hingan ng komento.
Hindi isinasapubliko ng Apple ang kanilang EV plans, bagama’t ilang taon na iyong inili-leak ng media.
Noong 2022, naglathala ang specialist site na The Information ng isang report kung saan nakadetalye ang mga problemang kinaharap ng proyekto, kabilang ang pag-alis ng maraming executives dahil sa kakulangan ng suporta mula sa liderato.
Ilang US automakers ang huminto na sa paggawa ng EVs nitong nagdaang mga buwan dahil bumagal ang demand. Ang Self-driving carmakers na Cruise at Waymo na pag-aari ng Alphabet, ang parent company ng Google, ay nahirapan ding palawakin ang kanilang mga produkto.
Nagbabala rin ang Tesla ni Elon Musk, isa sa EV industry leaders, ng mas mabagal na paglago sa 2024.
Sa isang post sa X, sinagot ni Musk ang mga balita tungkol sa pag-shut down ng Apple sa kanilang car project sa pamamagitan ng emojis na nagpapakita ng pagsaludo at isang sigarilyo.
Iniulat ng Bloomberg, na ililipat ng Apple ang marami nilang empleyado mula sa binuwag na car division sa generative artificial intelligence (AI) projects.
Tugon ni Dan Ives ng Wedbush sa isang analyst statement, “On one hand this is a modest disappointment, as the view within (Apple headquarters was)… with roughly 2,000 employees on this initiative that an Apple Car was still on the medium-term horizon.’
“But on the other hand, the laser focus within Apple is ramping up and executing a broad AI strategy within the Apple ecosystem, as it appears the vast majority of these engineers and developers will now focus their efforts on AI.”
Ang Generative AI na sumikat dahil sa tagumpay ng ChatGPT, mula sa Microsoft-backed OpenAI, ay ginagawang posible na makagawa ng text, images, sound at iba pang output sa pamamagitan lamang ng isang request gamit ang pang-araw-araw na wika.
Sa buong mundo, ang mga pangunahing kumpanya ng tech kabilang ang Google, Microsoft, Meta at Amazon ay mabilis na nakikipaghabulan sa pagbuo at pag-deploy ng mga produkto ng AI.