Planong pagpapatawag ng Senado kay Special Assistant to the President Bong Go sa isyu ng Navy Frigate’s deal, welcome sa Malakanyang
Kumpiyansa ang Malakanyang na malilinis ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go ang kanyang pangalan sa isyu ng Frigate’s deal ng Philippine Navy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na iginagalang ng Malakanyang ang karapatan ng Senado bilang co-equal branch ng gobyerno na magsagawa ng inbestigasyon sa anumang kontrobersiya sa pamahalaan.
Ayon kay Roque malalaman din sa isasagawang inbestigasyon ng Senado kung may problema ang kontrata na pinasok ng Aquino administration sa pagbili ng barko ng Philippine Navy.
Nauna ng inihayag ni Secretary Go na kung mapapatunayan na nanghimasok siya sa binabanggit ng kontrata ay handa siyang magbitiw sa tungkulin.
Hinamon din ni Pangulong Duterte ang Rappler na naglabas ng nasabing isyu na patunayang nakialam si Secretary Go at agad itong sisibakin sa puwesto.
Iginiit ng Malakanyang na malabong pinakialaman ni Secretary Go ang Frigate deal dahil ito ay isa ng done deal sa panahon pa ng Aquino administration.
Ulat ni Vic Somintac
=== end ===