Plant Plant Plant Program
Si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ay nagsabi na isa sa gagawing hakbang niya para makapag-produce tayo ng sapat na pagkain ay itutuloy niya ang binalangkas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang tinawag na Plant Plant Plant Program.
Ang programang ito ay unang inilunsad noong 2020 para matugunan ang mga hamon dala ng Covid-19 pandemic sa local food system.
Sabagay hindi naman ito bagong bagay dahil sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., may green revolution, di ba?
Mayo 1973 nang ilunsad ang tinawag na Masagana 99 na naglalayon na makapag-produce ng 99 sako ng bigas bawat ektarya para ang bansa ay maging self-sufficient pagdating sa rice supply.
Noong panahon naman ni dating Pangulong Gloria Arroyo meron ding inilunsad at ito naman ay tinawag na Comprehensive Livelihood and Emergency Employment program o CLEEP na kasama dito ang Gulayan ng Masa at ang Integrated Services for Livelihood Advancement o ISLA .
Balikan natin itong Plant Plant Plant Program, sa halip na sa mga bakanteng lote ng mga gusali o tanggapan ng gobyerno ang nakatanim ay ornamental plants, ang itatanim ay mga gulay para mapakinabangan.
Kung tutuusin mga ka-isyu, simple lang naman ang solusyon.
Dito sa Pilipinas hindi naman talaga problema ang makakain, huwag lang tayong mapili o choosy.
Actually kung masipag tayo kahit nandito ka pa sa lungsod ay may makakain at makakain ka. May mga kaparaanan na kasi ngayon na puwede kang magtanim gamit ang plastic containers o bottles, hindi ba?
Sa halip na itapon mo ang mga ‘yan, tamnan mo ng gulay.
Marami naman na puwedeng itanim na madaling buhayin gaya ng talong, pechay , ampalaya , okra , kamatis at kung ano-ano pa.
Isabit lang sa paligid ng bahay, huwag kalimutan na diligan.
Alam n’yo wala kayong kamalay-malay, magugulat na lang kayo, tumubo na pala at puwede na ninyong pitasin ang mga itinanim ninyo.
Kung iaasa natin ito na bibilhin pa natin, naku, alam ko na alam ninyo na wala na ngayong nabibiling tig limang pisong isang tali ng pechay o kangkong.
Pinakamura na ang sampung piso.
Kaya nga kapag tayo na ang nagtanim, baka tayo na ang puwedeng magbenta, e di nagkaron pa tayo ng extra income.
Kaya nga asahan na isa sa mga pangunahing isusulong ng Marcos administration ay itong Plant Plant Plant Program.
Tayo na mismo, gawin na natin ito sa ating mga bahay, kahit walang bakanteng lote o lupa.
Basta may paso o containers, simulan na natin.
Konting tiyaga lang at makaka-survive tayo !