‘Plantdemic’ sa Pilipinas
Lumalaganap ngayon sa Pilipinas ang pagkahumaling ng mga Pinoy sa paghahalaman na tinaguriang “Plantdemik,” simula nang magkaroon ng pandemya ng Covid-19 na nagpatanyag sa pangangailangan para sa halaman, na nagbunsod upang tumaas ang presyo ng mga halaman at pagtaas din sa insidente ng poaching mula sa public parks at protected forests.
Katunayan nito, binabaha ngayon ang social media ng mga larawan ng mga bulaklak at mga halamang pinatubo sa likod-bahay o balkonahe, matapos itong gawing stress reliever at pamawi ng pagkainip ng mga Pinoy.
Ayon sa landscape gardener na si Alvin Chingcuangco, hindi kapani-paniwalang naging sobrang interesado ngayon ang mga tao sa paghahalaman, kung saan ang halaga ng ilang uri ng monsteras ay umabot ng hanggang 55,000 pesos ($1,140) bawat isa kumpara sa 800 pesos na halaga nito bago magkaroon ng pandemic.
Sinabi naman ni Arlene Gumera-Paz, nagtitinda ng halaman sa Maynila, na trumiple ang kaniyang kita matapos niyang magbukas kasunod ng ilang buwan ding lockdown.
Aniya, mataas pa rin ang demand sa kabila nang dumoble o naging apat na beses pa ang taas ng halaga ng ilang popular na uri ng indoor plants gaya ng Alocasias, Spider plants at Peace Lilies.
Subalit kasabay ng pagtaas ng demand, nagbabala ang mga awtoridad na maraming mga halaman na nasa merkado ang maaaring hindi legal na nakuha.
Ang mga forest ranger na nagpa-patrol sa mga kagubatan ng Zamboanga ay inatasang magbantay laban sa mga nagnanakaw ng halaman, matapos mapansin ng mga opisyal na ilang uri ng halamang nakapost sa social media ay matatagpuan lamang sa protected area ng rehiyon.
Sinabi ni Maria Christina Rodriguez, Zamboanga regional director ng Department of Energy and Natural Resources, na wala silang napansing plant poachers bago nagkaroon ng pandemya.
Ang pagkuha ng threatened species mula sa gubat ay ilegal sa ilalim ng batas ng Pilipinas, at may kaukulan itong penalties. Pinapayagan naman ang pangongolekta ng iba pang katutubong mga halaman kung may permit.
Ayon kay Rodriguez, tinatarget ng mga magnanakaw ang uri ng mga halamang popular sa social media, gaya ng staghorn ferns at pitcher plants.
Malugod naman niyang tinatanggap ang interes ngayon ng mga tao sa paghahalaman, ngunit hiling nya na ang itanim ay mga halamang namumulaklak o kaya ay nakakain sa halip na mga katutubong halaman.
Mahirap din aniyang makahuli ng plant poachers, dahil hindi madaling patunayan na ang isang halamang ipinagbibili ay galing sa mga kagubatan o protected areas.
Ang stress na dulot ng lockdown at financial pressure na dala ng pandemic ang nagbunsod sa maraming pinoy na mag-alaga ng halaman, at ang mga ito ay tinawag na “Plantitos at Plantitas.”
Panawagan ni Rodriguez, maging responsableng plantitos at plantitas at maging maingat kung saan nanggagaling ang binibili nilang mga halaman. Aniya, isa itong seryosong bagay dahil mawawala ang balanse sa ecosystem kapag ang isang uri ng halaman ay inalis sa kanilang natural na tahanan.
Isinulat ni Liza Flores