PNP- ACG nagsumite ng mga karagdagang salaysay at mga ebidensya sa DOJ kaugnay sa Las Piñas POGO raid
Bitbit ng mga tauhan ng PNP- Anti Cybercrime Group sa DOJ ang mga karagdagang dokumento at ebidensya nito kaugnay sa raid sa POGO hub sa Las Piñas City.
Una nang inatasan ng DOJ panel of prosecutors ang pulisya na magsumite ng mga karagdagang ebidensya sa reklamong human trafficking laban sa mga Chinese na sinasabing mga boss ng sinalakay na kumpanya.
Umaabot sa 60 panibagong salaysay o affidavit ang isinumite ng ACG sa DOJ.
Hindi naman dinala ng PNP-ACG ang limang Chinese sa pagdinig.
Dahil sa dami ng mga bagong affidavits, hiniling ng mga abogado ng Chinese respondents na mabigyan sila ng dagdag na panahon para magsumite ng kontra-salaysay.
Pinagbigyan naman ng DOJ prosecutors ang mosyon at itinakda ang susunod na hearing at deadline ng counter- affidavit sa August 9.
Aminado ang legal counsels ng mga dayuhan na hirap sila sa pagbuo ng counter-affidavit dahil nakaditene ang mga kliyente nila at mayroon na language barrier.
Moira Encina